**********

Thursday, July 22, 2010

" O F W "~ Leon Quiaoit

Iginuhit na pangarap sa puso't isipan
kaya't nagpasyang lumayo at lumisan
Bitbit sa bagahe ay lakas ng loob
ibinalot ng mahal sa halik at dasal

Sa lupaing banyaga sila ay haharap
susuungin ang hamon ng lubos at ganap
Sa ngalan ng bukas kailangan magtiis
at hubugin ang mithi sa agos ng pawis

Ihanda ang sarili na kayanin ang hirap
iyan ang katwiran ng mga nangangarap
Sa pagsubok man din na mga darating
ay mahabang landas na dapat bagtasin

Naka-atang sa balikat na mga pasanin
sa dalangin at gabay tiyak na gagaan
Kalyadong palad at pusong matatag
iyan ang tatak ng mga manlalakbay

Sa initan ang pagod ang siyang saksi
lumbay ang yakap sa lamig kung gabi
Pasasaan nga ba't sasapit din ang bukas
at ang pag hihintay tiyak mag wawakas

No comments: